Wednesday, 22 April 2009

B-I-N-G-O

Naglalaro ka ba ng Bingo?

Ang ating buhay ay maihahalintulad sa isang bingo card na tinatantusan ng maliliit na piraso ng paghihintay.

Siyam na buwan na paghihintay ang ginawa ng iyong Ina bago ka niya nailabas mula sa kadiliman ng kanyang sinapupunan patungo sa liwanag ng mundo. Malamang ay inabot pa nga ng siyam-siyam ang kanyang paghihintay magkalaman lamang ang naturang bahay-bata.

Hinihintay ng bata ang pagdating ng kanyang Ama mula sa trabaho, animo'y naghihintay ng pasalubong na pancit, balut, dunkin donuts o jollibee.

Anim na taon sa elementarya. Apat sa hayskul. Apat, Lima o Sampu sa kolehiyo. Ito ang mga paghihintay na kailangan mong pagdaanan habang nangongolekta ng diploma at akademikong karunungan.

Ang manliligaw ay naghihintay sa matamis na OO ng kanyang sinisinta.

Maghihintay ka muna ng ilang buwan bago mo malaman kung pumasa ka ba sa board exam o kung maghihintay ka na naman ng susunod na board exam.

Sa gitna ng krisis, walang katiyakan kung gaano katagal ang gagawin mong paghihintay para makanahap ng hanapbuhay.

May kinsenas, may katapusan. Mayroon ding buwanan. Ang araw na pinakahihintay mo bago muling sumayad sa iyong mga palad ang sahod na pinaglagakan mo ng pawis, luha, dugo, puyat, pagod, petiks at higit sa lahat, kunya-kunyariang sick leave. Kailangan mo din maghintay sa pila ng ATM bago ito makuha. Siguradong hindi ka na makapaghintay para bilhin ang mga nakalistang luho mo.

Maghapong naghihintay ang mga pulubi sa limos ng mga nagdaraan sa underpass ng Ortigas MRT station. Hindi alintana ang pangangalay ng nakabukas na palad o ang paghapo ng hininga sa pagtugtog ng lumang harmonica o ng pag-awit gamit ang namamaos na boses. Maghapon silang nakaantabay sa awa ng kanilang kapwa, naghihintay ng piso.

Maaaring umabot ng ilang taon ang paghihintay mo bago ma-aprubahan ang iyong visa papuntang Amerika o ang job application mo sa Canada.

Maghihintay ka rin ng matagal bago ma-aprubahan ang iyong application para magkaroon ng visa o mastercard.

Halos kalahating oras kang maghihintay sa pila ng tayaan ng Mega Lotto bago mo maipusta ang mga numerong hinintay mong mag-aparisyon sa iyong panaginip. Maghihintay ka rin na ipalabas sa NBN Channel 4 ang live telecast ng Lotto draw.

Sa isang tao na may taning na ang buhay, naghihintay na lamang siya ng kanyang huling hininga.

Sa kinakalawang na sistema ng hustisya, matagal kang maghihintay sa hatol ng katarungan.

Sa isang kriminal na sinentensyahan ng parusang kamatayan, wala nang naghihintay.

Hinihintay mong dumating ang araw na muling mabuo ang mga nasirang pagkakaibigan.

Naghihintay ka sa habag ng tadhana, nagsusumamo at umaasang sana ay matagpuan mo ang isang tao na matagal na rin naghihintay sa pagdating mo.


-------------------------


Katulad ng isang bingo card, tinatantusan ng mga mumunting paghihintay ang ating buhay. Subalit may mga paghihintay na wari’y pabigat lamang -- mga mumunting panantos na nakapatong sa bingo card para hindi tangayin ng hangin patungo sa walang kasiguraduhan.

"Good things come to those who wait"
7th September 2008

9 comments:

Chyng said...

Basta naghihintay at umaasa, ay mabuti sa tingin ko.

Tatamaan din ang BINGO! (--,)

gillboard said...

ako may hinihintay na di dapat hintayin... nakakalungkot... nadepress nanaman ako... hay!!!

Turismoboi said...

bibingo din ako

nice pozt

ALiNe said...

Sana manalo ako..hehe!

Mugen said...

Gusto ko ang post mo bro.

Eben said...

@Chyng - puro na ba? hehehe.

@gillboard - wag mo na isikreto..sabihin mo na!

@CJ - korek..bibingo ka din

@ALiNe - tataya ka sa Lotto? ^_^

@Mugen - coming from you sir...flattered naman ako!

iriz said...

Sabi nga nila "peyshens is a berchu" pero di kaya sa ibang sitwasyon ang pag-hihintay ay isa lamang form ng pagtutunganga? Kung diamonds are forever, okay lang bang ihalintulad ang pag-hihintay sa diamond?(anu bang mga tanong yan iriz?).

May point ka dito friend. May mga bagay na kailangang hintayin and I could say that waiting can be sort of a torture. Pero pagkatapos ng pag-hihintay, there comes great happiness. A great feeling one could only feel if he or she learns to be patient.

Patience is having that hope it will happen.Yes,i'm totally with you when you said it might be about luck. But could that luck be just a misinterpreted FAITH?

Hold on. 'Coz just like 9 months of conceiving and waiting for a child's birth, it is bound to happen. DO you like it to be premature? Of course not!


Nice post. ;)

the donG said...

"ga mumunting panantos na nakapatong sa bingo card para hindi tangayin ng hangin patungo sa walang kasiguraduhan.">>> astig ng linyang to ah.

Robert Watt said...

Awesome blog. I enjoyed reading your articles. This is truly a great read for me. I have bookmarked it and I am looking forward to reading new articles.Keep up the good work!http://craps2.net