Tuesday, 6 January 2009

Tinapay at Mantikilya

Nakatunganga lang ako sa trabaho ngayon. Unang-una, wala naman kasing gagawin,
natapos ko na. Hinihintay ko na lang yung mga susunod na ipapagawa para sa project namin. Wala ang boss ko, kaya walang makapagbigay sa akin ng bagong tasks. Kaya naman heto, bisibisihan ako, nagbabasa ng program code. Nagsusulat ng blog.


Isa akong Software Engineer, Maintenance/Support and Enhancement staff para sa isang airline company.

Sa trabaho kong ito, ang tanging gagawin ko lang e intindihin ang logic ng ibang programmer, unawain mabuti bakit ganito o bakit ganyan, paano gumagana ito, anong mangyayari kapag binago mo ang isang bahagi ng sistema, gaano kalaki ang impact nito sa kabuuan. Kailangan ko rin sagutin ang mga inquiry ng mga tauhan sa airline kapag nakaka-encounter sila ng problema sa paggamit ng sistema. Dapat mahanap ko ang ugat ng problema at makapagbigay ng kaukulang solusyon. Nosebleed kung nosebleed sa pakikipag-usap sa telepono at e-mail.

Mag-isa lang ako sa trabahong ito. Isipin mo na lang, limang programmer na may kanya kanyang estilo ng pagsusulat ng code at kanya kanyang logic na dapat kong maintindihan. Yung limang programmer na yun, naging isa na lang at ako yun. Sa totoo lang dito sa project namin, ang dami nilang iniwang problema. Karamihan undocumented yung bugs at kulang sa handover materials, kaya halos lahat kailangan ko kapain para lang maintindihan. Sa awa ng mahabaging langit, hindi pa naman ako pumapalpak at sana magtuloy-tuloy.

Mag-isa lang din ako kumakain kapag lunchtime. Yung mga lamesa sa canteen pang-anim na tao, limang upuan ang palaging bakante kapag kumakain ako. Hindi ko naman nakakasabay ang boss ko kasi hindi kaya ng tiyan ko yung kumain pasado ala una na ng hapon, baka bumalik ang ulcer ko. Kaya para libangin ang sarili ko, tinitignan ko na lang yung mga taong nakakasabay kong kumain na nasa kabilang mga lamesa. Mga de-kurbatang executives at yuppies, cabin crew, mga naka todo makeup at nakapusod ang buhok na flight attendants at mga nagte-training na piloto. Ang pinoy minsan may pagka pintasero, inookray ko kahit na yung pinakamaliit na bagay na mapupuna ko sa kanila. Pinapatawa ko lang ang sarili ko.

Pagkatapos ng labinlimang minuto, alis na ko ng canteen at punta na sa lobby. Binibisita yung museum ng airline, nagbabasa ng kanilang aviation history at evolution ng uniform ng mga piloto at flight attendants. Hindi ko na yata mabilang kung ilang beses ko ng nabasa yun. Well, nililibang ko lang ang sarili ko.

Nagi-guilty ako minsan. Kasi kapag umaabot ako sa puntong napapagod na ‘ko bigla ko na lang naiisip na ayoko nang gawin ‘to, na nagsasawa na ‘ko. Pero kapag nakikita kong may nagagawa ako para sa iba, na nakakatulong ako sa parents ko at sa mga kapatid ko, na kahit papaano may naibibili ako para sa sarili ko mula sa sweldo ko, gusto ko pa rin magpatuloy. Hinahanap-hanap ko pa rin yung tunog ng pagtipa ng letra sa keyboard, yung pagdidisenyo ng user interface, yung pagsusulat ng program code, yung pagbabasa ng code ng iba, yung alam kong may naibabahagi ako at may natutunan akong bagong karanasan. Maisulat ko lang yung pangalan ko as “/** This code is written by Eben */”, masaya na ko, proud pa rin ako sa trabaho ko kahit na mahirap at kadalasan, malungkot.

5 comments:

gillboard said...

Try mo kayang kumausap ng ibang tao pag lunch mo, yung tipong lagi mong nakikitang kasabay mo kumain, para di ka nalulungkot.

iriz said...

Alam mo friend kahit ako dumarating sa point na ganyan. Tulad ngaun, I'm really bored, so I want to go out somehow. Hay , kc naman kung sana...hmp.

Ingat lagi jan. Smile smile jan. ok.

*hugs*

Eben said...

@gillboard
parang nahihiya ako pag ganun. hehehe. di bale one of these days susubukan ko.

@iriz
Ingat ka din lagi friend. Let me know kung matutuloy ang gimik niyo nang matawagan ko kayo.

eto malaking smile *^_________^*

Jinjiruks said...

o kaya try mong tumawag sa amin sa pinas pag idle time gamit ang company phone.

Eben said...

@jin

napatawa mo ko sa comment mo. cge isa sa mga araw na 'to expect an int'l call...hehehe.