Thursday, 22 January 2009

J.A.P.A.N.

Ang kwentong inyong mababasa ay hango sa tunay na buhay.

Tumunog ang alarm ng cell phone ko bandang alas siete y media ng umaga. Dahil kulang sa tulog, hindi ko pa magawang iwanan ang kama ko kaya’t nanatili akong nakahilata at nakayakap sa bolster, nakapikit pa rin ang mga nagmumutang mata habang bumubulong ng “payb minits pa”. Para akong nakikipagtawaran sa orasan dahil nasundan pa ito ng “tri minits” at hanggang sa “last na lang, tu minits”. Tulad ng sa mga nakalipas na gabi, heto na naman ako; puyat, kulang sa tulog at ngarag. Kahit ang paglalagay ng Vicks Vaporub malapit sa mata at butas ng ilong ay hindi na nakakatulong para antukin ako gabi-gabi. Inaabot pa rin ako ng alas tres ng umaga bago tuluyang sumuko ang mga mata at katawan ko.

Dahil na rin sa pangungulit ng cell phone alarm na walang tigil sa pagpapatugtog ng kanta ni Timbaland na Bounce (kasama sa OST ng Step Up 2), nagpasya na akong bumangon at maghanda na sa pagpasok sa trabaho. Kape agad ang unang pumasok sa kukote ko. Gusto kong humigop ng mainit na Nescafe 3 in 1 bago maligo.

Nang patigilin ko ang pambubulabog ni Timbaland, napansin kong may nagpadala pala sa akin ng text message. Si Eloisa, isa sa mga housemates ko. Agad kong binuksan ang inbox, pinindot ang ‘Open’ at binasa ang mensahe niya:

“Eben nananaginip ka? Nambubulahaw ka e.”

Noong mga oras na yon ay nasa biyahe na siya papunta sa kanyang opisina. Ako na lang ang naiwan sa bahay.

Sa una’y hindi ko maintindihan ang gusto niyang sabihin sa akin. Kasi naman, kung nanaginip man ako, hindi ko masasagot ang text message niya. Naturalmente abala ako sa pananaginip. Hindi ko na rin maalala kung may napanaginipan nga ako nung araw na yun.

Hindi ko rin mawari kung bakit nya nasabing nambubulahaw ako. Ano ba ang ginawa ko?

Nagpatuloy na ako sa paggagayak; humigop ng kape, naligo, nagsepilyo, nag-ahit at nagbihis. Matapos ang apatnapu’t limang minuto ay umalis na ako ng bahay at naglakad papunta sa istasyon ng tren. Makalipas ang isang oras ay narating ko na ang opisina.

---Fast forward---

Kinagabihan, pag-uwi ko ng bahay ay nadatnan ko si Eloisa sa salas. Nakatapak siya sa timbangan, nakayuko ang ulong sinisipat-sipat ang metro, inaalam kung gaano na siya kabigat. Sa pagkakayuko ay natakpan ng mahaba niyang buhok ang kanyang mukha...parang si Sadako lang.

“Uy Eloisa”, bungad na pagbati ko sa kanya.

“O Eben, nandyan ka na pala. ”, inalis ang mga paa mula sa pagkakatapak sa timbangan. “Natanggap mo text ko kanina?”, tanong niya sa akin habang hinahawi ang buhok na nakaharang sa kanyang mukha.

“Oo. Bakit mo nga ba natanong kung nananaginip ako? Nakakabulahaw ba yung alarm ko kanina?”, tugon ko sa kanya. Naghubad ako ng sapatos at medyas pagkatapos ay inilagay sa tukador ng mga pangyapak. Sinuot ang tsinelas ko na waring kanina pa naghihintay sa aking pag-uwi.

“Ano ka ba? Kinakatok kita kanina kasi naririnig kitang sumisigaw. Bandang 6:30, sabi ko ’naku parang binabangungot yata si Ben’. Papasok sana ako sa loob ng kwarto mo para gisingin ka kaso naka-lock naman ang pinto. Kumakatok ako pero di mo naririnig.”, kuwento niya sa akin.

“Ah...ganun ba. Pero wala naman ako maalala.”, yun ang tanging naisagot ko sa kanya. Nasurpresa ako sa mga narinig ko.

Binabangungot. Yun pala ang nangyari sa akin kanina. Malalim pa naman ako matulog, hindi ako basta basta magigising kaya palaging naka-todo lakas ang cell phone alarm ko. Naaalala ko noon sa Pilipinas, ang boses ng Nanay ko ang gigising sa akin sa umaga. Hindi ako magigising sa boses ng mga kapatid ko o ng tatay ko. Ganun nga yata kapag bungangera si Nanay, alam na alam mong boses nya yung kumakalampag sa apat na sulok ng bahay. Pero kahit na ganun, mahal ko ang Nanay ko. Naks bumawi .

Dahil mag-isa lang akong natutulog sa kwarto ay walang sasampal, magbubuhos ng malamig na tubig, kakalampag ng kaldero o magpapasabog ng granada para isalba ako mula sa isang bangungot. Mabuti na lang talaga at nagising ako. Salamat kay Timbaland.

“Ayan kasi, dapat talaga bago ka matulog, magpe-pray ka.”, sabi ni Jheng, isa din sa mga housemates ko. Nakikinig pala siya sa usapan namin ni Eloisa. Hindi namin agad napansin ang presensya niya sa salas dahil may kakapusan siya sa katangkaran. “Saka, tigilan mo na nga yung kakasabi sa akin na hanggang edad trenta y singko lang ang itatagal ng buhay mo. Nagloloko ka, ayan nagkatotoo. Mas prone kayong mga lalake sa bangungot. Umayos ka nga! ”, dagdag na sermon pa niya sa akin. Parang nanay lang na nakadaster at hitik sa rollers ang ulo.

“Always remember, J.A.P.A.N.”, paalala ni Jheng sa akin. Parang si Ka Ernie Baron na nagsasabing “Kung walang knowledge, walang power.”

“Haaay”, napabuntong hininga na lang ako. Ilang beses ko na bang nakasalamuha ang akronim na ito? Kasabayan pa ng I.T.A.L.Y. noong mga panahong nasa elementary pa lang ako at naglalaro ng moro-moro, sepak takraw, sipa at sumasagot ng islambook.

“Eh? J.A.P.A.N.? Ano yun?”, nagugulumihanang tanong ni Eloisa.


-------------------------------------------------------------------

Just
Always
Pray
At
Night


Noong batang yagit pa lang ako, aktibo ako sa mga gawain ng simbahan namin. Batang laki sa Sunday School. Kumakabisado ng mga bersikulo ng Biblia. Kumakanta at sumasayaw sa saliw ng mga awitin ni Don Moen. Wala pang Hill Song noon at hindi pa kilala si Chris Tomlin. Inosente pa ako. Maningas ang spiritwalidad. Madasaling bata.

Ngayon, hindi ko na maalala kung kailan ako huling nanalangin bago matulog. Kung kailan ako huling dumalo ng linggong pagsamba o kung kailan ako nagkaroon ng taimtimang pakikisalamuha sa Kanya. Sa sobrang abala ko sa maraming bagay, tanggap lang ako ng tanggap ng biyaya. Nakalimutan kong magpasalamat, humingi ng paggabay at magsumamo ng pagpapatawad.

Sa mga sumunod pang mga gabi, nananalangin na ako bago matulog. Magmula noon, hindi na ako binangungot pa.

Siya nga pala, gusto ko lang linawin na wala akong balak mag-host ng 700 Club Asia o kaya naman ay gayahin si Pat Robertson. Sabihin na lamang natin na ang pakikipag-usap ko sa Kanya ay hindi nasasaklaw ng isang partikular na sekta o denominasyon. Bagkus ay tumutukoy sa personal na bahagi ng aking sarili. Sa pagitan ko at ng kinikilala kong May Likha.

6 comments:

gillboard said...

ano kaya panaginip mo nun? hmmm...

tsaka wag ka maglolock ng pinto pag matutulog ka. gawin mo lang yan, pag may kasama ka... hehehe.

Eben said...

@gillboard
hindi ko na rin maalala kung ano ang napanaginipan ko...at yung pinto ng room ko hindi ko na nila-lock, hehehe.

Mugen said...

Isa sa mga bagay na natutunan ko dude ay ang humanap ng kapayapaan sa panalangin. It works.

Huwag ka maging defensive sa iyong entry. Tama lang ang iyong sinulat. :)

Chyng said...

Right! Pray talaga. Buti naman you're fine. Madame ka pa mission dito sa big world! hehe

Ayos din si Eloisa no, tlgang tinext ka lang... Tulog ka nga eh, pano mo mababasa yun?! toinks!

Eben said...

@Mugen
Salamat. Yang ang tinatawag na The Power of Prayer.

sound defensive ba yung last paragraph? hehehe.


@Chyng
Hi Chyng welcome sa blog ko!

Kaya nga natatawa ko nung mabasa ko yung text nya. Nakakaaliw ang mga housemates ko.

iriz said...

naku naman friend! hindi mo pa panahon! hindi paaaaa!!!

tama c gillboard wag ka nang mag lock. ako binabangungot ako kapg sobrang pagod.

iba nga talga ang prayers. i read bible every night,let's not talk about the religious aspect dahil sa totoo lang hindi naman ako relihiyosa, pero my peace of mind talga. nakakatawa lang isipin , after i read the bible, i forgot to pray, feeling ko kc nagkaintindihan na kami. hehe.

ingat ka naman oi. daming nagmamahal sa'yo.