Saturday, 24 January 2009

Congratulations And Be Prosperous

Yahu!

Mula sa araw na ito hanggang sa Martes next week, wala akong pasok dahil sa pagdiriwang ng Chinese New Year. Ang ibig lang sabihin nun ay apat na araw akong nakatambay sa bahay maliban na lang kung sisipagin akong lumabas at manood ng Dragon Dance sa Chinatown. Pero dahil sa nagtitipid ako ngayon malamang dito na lang ako sa bahay. Linis linis. Nood nood movies. Kain kain. Tulog tulog. Pahinga pahinga. 

Tuwing sasapit ang Chinese New Year ay umuulan ng Tikoy sa Pilipinas. Well, ibahin niyo kami dito. Mas healthy ang approach namin sa CNY. Namimigay kami ng Vitamin C.

Bakit kamo Vitamin C? Ganito kasi yun...

Kahapon sa opisina, binigyan ang bawat alipin empleyado ng isang kahon ng Mandarin Orange. Yup, isang malaking kahon (dimension: 2 dangkal ang length x 1 1/2 dangkal ang width x 1 dangkal ang height) na naglalaman ng 46 piraso ng malalaki, malulusog, at hinog sa katamisang prutas na kahel. Madali itong balatan at talaga namang ubod ng tamis. Iba ito sa nakagisnan kong Sangkis o Pongkan. 


Simula pa kahapon, nang ihatid sa aking selda cubicle ang kahon ay walang tigil ako sa pag-upak ng nasabing bungang kahoy. Kaya naman nagkalat ang mga pinagbalatan sa aking lamesa, pati mga buto ay naliligaw ng landas sa aking keyboard. At dahil sa kasibaan ko, hanggang sa mga oras na ito ay wala pa rin akong tigil sa pagbabalat, paghimay, pag-nguya, pagluwa ng buto, at paglunok ng Mandarin Orange...nasa tabi lang ng keyboard ko ang kahon. taympers muna kuha ulit ako ng isa.


Medyo nahirapan ako kanina pag-uwi ng bahay kasi bitbit ko ang mabigat na kahon na yan habang nasa biyahe. Bigla ko tuloy naaalala ang college days ko, panahon ng Panel Defense kung saan pumapasok ako sa PUP na buhat-buhat ang CPU ng computer ko. PC ko kasi ang ginagamit ng team namin kapag magpe-present ng System Proposal sa masungit kong propesora. Hindi ko kayang bumili ng USB thumb drive o External Hard Disk o laptop, kaya wala akong choice kundi magbuhat ng tower case. Mula Parang hanggang Stop n Shop ay isang mahabang paglalakbay sa siksikang patok na jeep ang kailangan kong pagdaanan. Pero siyempre iba na ang panahon ngayon, may pang-taxi na ako. Dito ko lang naranasan ang kaginhawaan ng pagsakay sa taxi, pwera lang yung mga da moves ni Uncle driver na kapag liliko e liko kung liko at walang menor menor. Napapakapit ako sa estribo.

Kaya kanina, sa pagkainip kakahintay ng bus ay nag-taxi na lang ako. Mula sa opisina malapit sa airport hanggang sa masukal na kagubatan ng Sembawang ibaba ng apartment namin. May kalayuan ang bahay ko mula sa trabaho, kaya ayun umabot ng S$27 (PHP810) ang pamasahe. Ouch. Kaya ayokong nagko-convert sa peso kasi para akong lalagnatin, teka muna kuha ulit ako ng isa pang orange.

Pero alam niyo ba noong nakaraang taon, hongbao o angpaw ang ibinigay sa amin. Natatandaan ko ang laman ay S$20 (PHP600). Mga pitong lunch ng Chicken Rice din yun at may sukli pa. Siguro dahil na rin sa karamihan ng mga kumpanya ngayon ay cost cutting, iilan na lang ang nagbibigay ng angpaw. Lahat talaga ngayon ay nagtitipid. Araw-araw mo ba naman mabasa at marinig ang balita tungkol sa recession, na ultimo ang Punong Ministro ay binawasan ang sweldo by 20%, o ang malamang sa mga susunod na araw ay gagamitin na ng bansa ang cash reserves para lang malampasan ang krisis na ito, sinong hindi mag-aalala? Lalo na kaming mga dayuhan sa lugar na ito na walang kasiguraduhan kung hanggang kailan ang itatagal. 

Pero ayoko na munang isipin yun. Basta ang alam ko’y ginagawa ko ang trabaho ko ng tama at maayos. Kailangan lang maging handa para sa mga susunod na araw. 

Balik tayo sa Mandarin Orange...

Siyempre hindi lang naman ako ang uubos nito. Napakadamot ko naman pag ganun, bad yun. Kaya bilang simbolo ng prosperity, mas mabuting ibahagi na lang ang biyayang natanggap sa mga housemates. Pero teka muna, sila din pala ay binigyan ng isang kahon ng Mandarin Orange! Nyek para lang kaming nag-exchange gift nito. Kung pwede nga lang ipa-Fedex or LBC ang mga prutas ay ipinadala ko na sana sa Pilipinas, doon sa aking family sa Marikina. Tapos tatawagan ko ang Mama at sasabihin niya sa akin na “’Nak sana cash na lang”. Nyek ulit! Hay buhay manggagawa nga naman...

----------------------------------------------------------------------------

Mula dito sa bansang tambayan ng mga imigrante, nais kong ipaabot sa inyong lahat ang aking pagbati sa paraang nakasanayan ko dito...ang magbroadcast ng mensahe gamit ang apat na pambansang wika:

Happy New Year!

Xin Nian Kuai Le! - chinese

Selamat Tahun Baru! - malay

Eniya Puthandu Nalvazhthukkal (nakakabulol)! - tamil


Congratulations and be prosperous mahal kong Pilipinas!
Make it a good year for cows: Go Vegetarian! – PETA Asia Pacific


O siya kain muna ako ng hapunan (kain na naman?): Nagluto ako ng Carbonara at teysting naging uleng garlic toast.




8 comments:

Daniel said...

ang dami nga nyan! rich in vitamin C! padala mo dito yung iba, sarap nyan. hehev

iriz said...

penge ako carbonara!

gillboard said...

mukhang masarap luto mo ah...

Happy Chinese new year!!!

jeszieBoy said...

sarap nyan ah!

happy new yr! :]

Mugen said...

Ang sarap naman ng carbonara. Happy New Year dude!

Jinjiruks said...

nakakagutom sarap kumain ng ox. este carbon este carbonara

olan said...

sarap sarap sarap!!!!!!! padala ka naman dito sa davao please!

yoshke said...

nung New Year (hindi Chinese New Year ha) andami ring Mandarin orange sa bahay. Kahon-kahon. Bigay ng boss ng ate ko na chinese. hehe

Wow. Pasta. Yum yum.