Wednesday, 31 December 2008

Umiikot lang

Hinatid ako ng family ko sa NAIA 3, pagbababa ng mga gamit ko mula sa van at mailagay sa push cart, isa-isa ko na silang niyakap. Hinigpitan ko na, kasi hindi ko na sila mayayakap sa mga susunod na araw. Isang taon ko na naman silang hindi makikita. Ninamnam ko ng husto yung pagkakataon na yun. Nabitin kasi ako sa dalawang linggong bakasyon. Akala ko, since pangalawang uwi ko na ito, hindi na ako gaanong maaapektuhan...kabaligtaran pala ang nangyari.

Bumalik ako ng Singapore nung madaling araw ng Sabado. Iba talaga yung klima dito. Kung sa Pilipinas ay sobrang lamig, dito naman ay mainit pa rin. Siguro mabuti na rin yun dahil sa mga sumunod na araw ay unti-unti nang nawawala ang ubo’t sipon na nakuha ko sa Pilipinas. Mukhang hindi na ako sanay sa polusyon. Hehehe.

Paglapag ko sa Budget Terminal at pagkalampas ng Immigration, bumili ako ng Henessy at Red Wine sa Duty Free. Dagdag yun sa mga pasalubong na bitbit ko kasama ng Krispy Kreme, Goldilocks macaroons, polvoron, ensaymada, binagoongang baboy, adobo at Boy Bawang. Sayang nga at wala palang Palabok Fiesta sa Jollibee outlet ng NAIA 3, balak ko rin kasi magdala nun.

Wala akong sundo. Walang may hawak na cardboard or banner na may nakalagay na “Welcome Back to Singapore Eben!” o “Selamat Datang ke Singapura”. Pasado alas dose na kasi ng hatinggabi, tulog na mga housemates ko. Ako na lang ang nag-welcome sa sarili ko, “Bumalik na ka na lang ng Pilipinas! Wala ka ng lugar dito!”.

Paglabas ng airport, pumila na ako sa taxi bay. Ilang sandali lang ay tinulungan na ako ng manong driver na ilagay sa trunk ang aking maleta at iba pang daladalahin. Madaling makakuha ng taxi dito. Lahat ay de-metro. Walang namimili ng pasahero. Kahit sa kaduluduluhang lugar ng Singapore, hindi magrereklamo ang manong driver. Pwede ka gumamit ng debit card o credit card sa pagbabayad ng pamasahe. Sa madali’t sabi, serbisyong totoo.

Makwento si manong driver. Marami kaming pinag-usapan mula sa nationality ko, sa persepsyon nya sa karakter ng mga pinoy bilang “palakaibigan”, sa buhay niya bilang driver, at kung anu-ano pa. Kunwari nasa Oprah kami, o kaya naman Maalaala Mo Kaya. Siguro dahil na rin sa buong araw siyang nagtatrabaho, nakaupo’t hawak ang manibela, hindi sa lahat ng pagkakataon ay mayroon siyang nakakausap.

Apatnapung minuto ang lumipas, nakarating na ako sa apartment block namin. Ibinaba ang mga gamit mula sa taxi, at naglakad patungong elevator lobby. Nasa tuktok ng apartment ang unit namin, 16th floor. Sa lobby ay naabutan ko ang dalawa sa mga housemates ko, hinihintay pala nila ako (o baka naman ang mga pasalubong ko?). Tinulungan nila akong bitbitin ang mga dalahin ko, at umakyat na kami.

Dumating na pala ang asawa, anak at pamangkin ng housemate kong si Jheng. Si Chris naman ay tulog na kasama si Amor, fiancée nya. Si Des naman ay busy sa loob ng kwarto nya. Kanya-kanya na kaming buhay.

Pagpasok ko sa aking madilim at maliit na silid, binuksan ko ang ilaw at aircon. Tahimik na naman ang apat na sulok ng kwartong ito. May sarili akong kama, aparador, study table at sosyaling chandelier. Ibang iba sa bahay namin sa Pilipinas na masikip, mababa ang kisame at binabaha tuwing tag-ulan. Pero sa katunayan, mas sanay ako sa ganun. Mas mahimbing ang tulog ko sa matigas na papag katabi ang kapatid kong bunso.

Humiga ako sa kama, balak ko na magpahinga. Nakatingin sa sosyaling chandelier na nakakabit sa kisame. Nakabibingi ang katahimikan. Parang kanina lang nagtatawanan pa kami sa Marikina habang kinukuhaan ko ng family portrait ang mga kamag-anak ko. Kanina lang ang daming pamilyar na mukha ang nakikita ko, lahat sila nakangiti. Kanina lang may mga nagtetext sa akin at nagsasabing mag-ingat ako sa biyahe. Kanina lang ay sobrang lapit ko sa isang tahanan…

Pero ngayon, nag-iisa na naman ako. Balik na naman sa realidad ng mundong pinili ko.

Ipinikit ko ang aking mga namumugtong mata, at niyakap ang bolster.

Day one na naman bukas...

4 comments:

Jinjiruks said...

ok lang un eben. at least nakasama mo sila hindi katulad ng iba dyan na ilang taon nang hindi nakikita mga mahal nila sa buhay. hope na nag-enjoy ka sa bakasyon mo sa pinas.

Eben said...

Salamat jin, happy new year sa'yo.

yeah nag-enjoy talaga ako sa bakasyon ko. Nothing beats Pinas pa rin..

gillboard said...

Yan ang dahilan kaya ayaw kong mamuhay sa ibang bansa. Kung tutuusin kaya ko pumunta ng Singapore para dyan magtrabaho, pero mas gusto kong malapit sa mga kapamilya't kaibigan ko... Kahit minsan lang kami magkita ng mga 'to.

Happy New Year Eben!!!

Ngiti palagi dyan... nakakaikli ng buhay ang palaging malungkot!!!

ardee sean said...

Heads up, eben! Keep it movin :)

Take care..

till next bonding uli :P