Sunday, 23 September 2007

Isang Buwan

Setyembre 21, opisyal na naka isang buwan na ako dito. Natatandaan ko pa nung nasa airport ako, hinatid ako ng family ko. Naiinip sila dahil ang tagal bago dumating ng makakasama ko sa biyahe. Ika-9 ng umaga ang usapan, subalit sa ilang mgakadahilanan, ika-11 na ng umaga ay hindi pa siya dumadating, magkahalong kaba at excitement and naramdaman ko nung mga oras na yun. Excited dahil first time ko, kaba dahil hindi ko alam ang mga susunod na mangyayari sa akin pagbaba ko ng eroplano. Itinuturing ko na isang bagong kabanata ng buhay ko ang gagawin kong paglalakbay.

Nakakatuwang isipin, na sa mga ganitong pangyayari, ay nakikilala mo mo kung sino ang mga tunay mong kaibigan. Mga nakaala na batiin ka ng “Ingat, mamimiss ka namin, see you soon”. Mga nag text, tumawag, at higit sa lahat ay humabol pa sa airport, masaksihan lamang ang iyong pag-alis. Maraming maraming salamat sa inyong lahat.

Kay bilis talaga ng panahon. Sa loob ng isang buwan ay marami nang nangyari, naranasan at nasaksihan. Ang lahat ng ito ay bahagi ng aking pagkatuto. Bagama’t malayo sa mga taong pinakamamahal, naroon yung pakiramdam na masaya ka, dahil may isang bahagi ng sarili mo na tila matagal nang gustong maranasan ang maging malaya, maging independent, ang magdesisyon ng para sa sarili.

Hindi ako bato para hindi ko hanapin ang mga nakagisnan na. Dalawampu’t apat na taon, kasama ko ang aking mga magulang, kapatid at mga kaibigan. Mga pamilyar na mukha na araw-araw mong nakikita. Pagkatapos ay bigla ka na lamang malalayo sa kanila. Iniisip ko na lang, na sa bandang huli, magkakasama-sama kaming muli.

Hanapin ang sarili. Isa sa mga bagay na gusto kong gawin habang naririto. Ang totoo, hindi ko pa rin matanaw ang bukas na naghihintay sa akin. May kulang pa rin. Kulang pa…

Bagong pakikisalamuha sa iba’t-ibang uri ng tao. Ngayon ay mas malawak ng pakikisalamuha dahil hindi lamang kapwa mo Pilipino ang dapat mong pakisamahan. Tunay nga na mas makikilala mo ang isang tao kapag nakasama mo siya sa loob ng pamamahay. Dahil sa iba’t-iba ang pinagmulan, magkakaiba ng kapaligirang kinalakhan, hindi maiiwasan ang di pagkakaunawaan. Nakakalulungkot isipin, na dapat sana’y kami ang magkakakampi dahil puro kami Pilipino, kami-kami rin ang kumakalaban sa isa’t-isa.

Gigising sa umaga, kakain, magta-trabaho buong araw, kakain, matutulog sa gabi., gigising muli sa umaga, kakain, walang katapusang siklo ng buhay.

Isang buwang nakalipas, labing-isang buwan pang tatahakin.

Ito pala ang pakikipagsapalaran.

2 comments:

Reign said...

labing isang buwan na lang!

marami na ngang nagbago sa loob ng isang buwan, tingnan mo nga at may laptop ka na!

Ingat sa paglalakbay! ;0)

Watanuki said...

at talagang binanggit ang laptop. lol

thanks reign (wushu!)