Tuesday, 4 September 2007

Bago

Bagong buhay, bagong blog. Kasalukuyang nakikipagsapalaran sa ibang bansa, para lang matupad hindi lamang ang aking sariling mga pangarap, kundi pangarap din ng aking pamilya.

Ngayon lang ako nahiwalay sa kanila ng ganito katagal. Dati, ayos na ang isa hanggang 3 araw na hindi ko sila nakakapiling. Noon, dahil sa mga pagsusunog ng kilay sa pag-aaral, kailangan mag overnight sa bahay ni classmate para mag-aral. Minsan naman, para lang makapagpahinga at makapag-unwind ay aalis ng lungsod kasama ng mga kaibigan at magpupunta sa mga lalawigan.

Ngayon, malayo akong muli sa kanila, pero hindi oras, araw, o linggo ang dapat kong bilangin kundi taon.

Akala ko, hindi ako iiyak. Ang akala ko, malalampasan ko ang mga susunod na araw dito sa Singapore na hindi ako nakakaramdam ng lungkot. Dahil kung tutuusin, minsan ko ng pinangarap na mapag-isa. Sa tatlong taon ng paghahanapbuhay sa Pilipinas, may tahanan akong inuuwian, tahanan na nasasandalan, tahanan na napagkukunan ko ng lakas. Sila rin ang aking pinagsisilbihan. Naisip ko noon, gusto kong maranasan ang nararanasan ng iba, ang maging independent. Mag-board? Mukhang masarap subukan.

Ni sa hinagap hindi ko naisip na ganito kabilis ang makapunta sa ibang bansa. Swerte daw na maituturing, dahil ayon sa iba, walang mangyayari kung sa Pilipinas ka magtatrabaho. Lahat na yata ng negatibong tungkol sa Pilipinas ay narinig ko na, ang ilan ay naranasan ko pa nga. Ang ideyang maging independent ay natupad, pero hindi lang basta-basta pagbo-board ang nangyari, lumabas na pala ako ng Pilipinas. Milya-milyang layo mula sa mga taong pinakamamahal ko.

Narito ako ngayon, nakikisalamuha sa mga taong hindi ko kalahi, hindi ko kaamoy, at hindi kaparehas ng wika. Pero pinipilit mabuhay. Gaano man kahirap, gaano man kalungkot, isang bagay na lang ang pinanghahawakan ko. Habang nananatili sa aking puso na mayroon akong magulang, mga kapatid at mga kaibigan na patuloy na naniniwala sa akin, hindi ako susuko.

Anuman ang naghihintay sa akin sa mga susunod na oras, araw, buwan, o taon dito sa kinalalagyan ko ngayon, Dios ang magiging patnubay ko.

No comments: