Saturday, February 21, 2015

magulo

malapit nang mag isang buwan simula ng sabihin nya sa akin na tapos na kami. ako naman si tatanga-tanga, basta na lang tinanggap ang desisyon nya ng walang panunumbat, walang nilabas na hinanakit, walang galit. para lang akong sponge na tanggap lang ng tanggap. ganun pala yun, kapag mahal na mahal mo ang isang tao, kahit hanggang sa huli, kahit na alam mong iiwanan ka na, lahat ibibigay mo pa rin, kasama na ang kalayaan nya.

naging napakahirap ng mga unang araw at linggo para sa akin. hindi ko mailabas ang nararamdaman ko. wala akong masabihan. wala akong kakampi. ilang araw din na paikot-ikot lang sa isip ko ang mga pangyayari. 

ganun pala yun, kahit gaano mo kamahal ang isang tao. kahit na sobrang pasensyoso ka at palawakin mo man ng husto ang pang-unawa mo. kahit na anung effort pa ang gawin mo, kahit gaano ka pa ka-supportive sa kanya, kapag hindi ka na niya mahal, hindi ka na niya mahal. 

umikot ka man ng umikot kakaisip kung ano ang nangyari, kung bakit nangyari, kung saan ka nagkulang at kung saan ka nagkamali, the moment na bitiwan ka niya, the moment na talikuran niya ang kung anong meron kayong dalawa, lahat ng pinagsamahan ninyo, lahat ng mga tanong mo ay magiging irrelevant. hanggang sa pati ikaw ay tuluyan na ring maging irrelevant sa buhay niya.

ilang araw lang ang nakalipas pagkatapos namin maghiwalay, mukhang okay na siya. bumalik na siya sa dati niyang 'routine'. mukhang masaya na ulit siya. ewan ko pero hindi ko masabing masaya ako para sa kanya. hindi pa siguro ngayon. siguro at the back of my mind, iniisip ko pa rin na sana, nalulungkot pa rin siya sa pag-alis ko, na hahanapin niya pa rin ako, na ako pa rin ang pipiliin niya. na babalik siya. god! i sound so pathetic and desperate...and still hurting.

pero mukhang wala na talaga. wala na. habang nalalagas ang mga araw, nararamdaman kong unti-unti na rin akong nawawala sa sistema niya. masaya na ulit siya. habang ako, nandito pa rin sa kung saan niya ako iniwan. still trying to figure out kung paano ako babalik sa kung saan niya ako natagpuan.

to be honest, malaki din ang kasalanan ko sa sarili ko, dahil nagpabola ako. sobrang nagtiwala. naniwala sa mga matatamis na salita kahit na kulang naman sa gawa. ako ang nagbigay sa kanya ng karapatan para saktan ako ng ganito. ginawa kong napakadali para sa kanya na basta na lang pumasok at lumabas sa buhay ko. parang yosi, na pagkatapos gamitin, tinapon na lang at tinapakan. nagmahal ako ng sobra, hanggang sa puntong nakalimutan kong mahalin ang sarili ko, kaya ngayong wala na siya, natatakot akong wala na ring naiwang pagmamahal.

huwag naman sana.